1Mahabag ka, O aking Diyos, ikaw sana ay mahabag; sa iyo ako lumalapit upang ako ay maligtas, pagkat aking nasumpungan sa lilim ng iyong pakpak, ligtas ako sa panganib hanggang ito ay lumipas.
2Yaong aking tinatawag, ang Diyos na Kataas-taasan, ang Diyos na nagbibigay ng lahat kong kailangan.
3Magmula sa kalangitan, diringgin ang aking hibik, ang lahat ng kaaway ko'y lubos niyang magagapi; ang tapat niyang pagmamahal at matatag na pag-ibig, ihahayag ito ng Diyos, sa aki'y di ikakait. (Selah)
4Kasama ko'y mga leon, kapiling ko sa paghimlay, mabangis na mga hayop na sisila sa sinuman; parang sibat at palaso yaong ngipin nilang taglay, matulis ang mga dila na animo'y mga sundang.
5Purihin ka nawa, O Diyos, sa rurok ng kalangitan; dito naman sa daigdig ay ang iyong karangalan!
6Nadarama ng sarili, lagi na lang pagdurusa; hinuhuli ng kaaway; masilo ako, nais nila, ngunit sila ang nahulog sa bitag na inihanda. (Selah)
7Panatag na ako, O Diyos, ako ngayo'y matatag, purihin ka at awitan, ng awiting masisigla.
8Gumising ka, kaluluwa, gumising ka't purihin siya! Gumising ka't tugtugin mo yaong lumang lira't alpa; tumugtog ka at hintayin ang liwayway ng umaga.
9Sa gitna ng mga bansa, kita'y pasasalamatan; Yahweh, ika'y pupurihin sa gitna ng iyong bayan.
10Pag-ibig mong walang maliw ay abot sa kalangitan, nadarama sa itaas ang lubos mong katapatan.
11Purihin ka nawa, O Diyos, sa rurok ng kalangitan; dito naman sa daigdig ay ang iyong karangalan!