Jonah 2
1 Nang magkagayo'y nanalangin si Jonas sa PANGINOON niyang Diyos mula sa tiyan ng isda,
2 at kanyang sinabi, "Tinawagan ko ang PANGINOON mula sa aking pagdadalamhati, at siya'y sumagot sa akin; mula sa tiyan ng Sheol ako'y sumigaw, at iyong dininig ang aking tinig.
3 Sapagkat inihagis mo ako sa kalaliman, sa pusod ng dagat, At ang tubig ay nasa palibot ko; Ang lahat ng iyong alon at iyong mga daluyong ay umaapaw sa akin.
4 Kaya't aking sinabi, 'Ako'y inihagis mula sa iyong harapan; gayunma'y muli akong titingin sa iyong banal na templo.'
5 Kinukulong ako ng tubig sa palibot. Ang kalaliman ay nasa palibot ko. Ang mga damong dagat ay bumalot sa aking ulo.
6 Ako'y bumaba sa mga ugat ng mga bundok. Ang lupain at ang mga halang nito ay nagsara sa akin magpakailanman. Gayunma'y iniahon mo ang aking buhay mula sa hukay, O PANGINOON kong Diyos.
7 Nang ang aking buhay ay nanlulupaypay, naalala ko ang PANGINOON; at ang aking dalangin ay umabot sa loob ng iyong banal na templo.
8 Ang mga nagpapahalaga sa mga walang kabuluhang diyus-diyosan ay nagtatakwil ng kanilang tunay na katapatan.
9 Ngunit ako'y mag-aalay sa iyo na may tinig ng pasasalamat. Aking tutuparin ang aking ipinanata. Ang pagliligtas ay mula sa PANGINOON!"
10 At inutusan ng PANGINOON ang isda, at iniluwa nito si Jonas sa tuyong lupa.