Isaiah 62
1 Alang-alang sa Zion ay hindi ako tatahimik, at alang-alang sa Jerusalem ay hindi ako magpapahinga, hanggang sa ang kanyang katuwiran ay lumitaw na parang ningning, at ang kanyang kaligtasan na gaya ng sulong nagniningas.
2 At makikita ng mga bansa ang iyong katuwiran, at ng lahat na hari ang iyong kaluwalhatian; at ikaw ay tatawagin sa bagong pangalan na ipapangalan ng bibig ng PANGINOON.
3 Ikaw naman ay magiging korona ng kagandahan sa kamay ng PANGINOON, at koronang hari sa kamay ng iyong Diyos.
4 Hindi ka na tatawagin pang 'Pinabayaan'; hindi na rin tatawagin pa ang iyong lupain na 'Giba'; kundi ikaw ay tatawaging 'Ang Aking Katuwaan Ay Nasa Kanya', at ang iyong lupain ay tatawaging 'May Asawa', sapagkat ang PANGINOON ay nalulugod sa iyo, at ang iyong lupain ay magiging may asawa.
5 Sapagkat kung paanong ang binata ay ikinakasal sa dalaga, gayon ikakasal ka sa iyong mga anak na lalaki, at kung paanong ang lalaking ikakasal ay nagagalak sa babaing ikakasal, gayon magagalak ang Diyos sa iyo.
6 Ako'y naglagay ng mga bantay sa iyong mga pader, O Jerusalem; sila'y hindi tatahimik kailanman sa araw o sa gabi. Kayong mga umaalala sa PANGINOON, huwag kayong magpahinga,
7 at huwag ninyo siyang bigyan ng kapahingahan, hanggang sa maitatag niya at gawing kapurihan ang Jerusalem sa daigdig.
8 Ang PANGINOON ay sumumpa ng kanyang kanang kamay, at ng bisig ng kanyang kalakasan: "Hindi ko na muling ibibigay ang iyong trigo upang maging pagkain ng mga kaaway mo, at ang mga dayuhan ay hindi iinom ng alak na pinagpagalan mo.
9 Kundi silang nag-imbak niyon ay kakain niyon, at magpupuri sa PANGINOON, at silang nagtipon niyon ay iinom niyon sa mga looban ng aking santuwaryo."
10 Kayo'y dumaan, kayo'y dumaan sa mga pintuan, inyong ihanda ang lansangan para sa bayan; inyong kayo, inyong gawin ang maluwang na lansangan, inyong alisin ang mga bato; sa ibabaw ng mga bayan ang watawat ay itaas ninyo.
11 Narito ipinahayag ng PANGINOON hanggang sa dulo ng lupa: Inyong sabihin sa anak na babae ng Zion, "Narito ang iyong kaligtasan ay dumarating; ang kanyang gantimpala ay nasa kanya, at ang kanyang ganti ay nasa harapan niya."
12 At sila'y tatawaging "Ang banal na bayan, Ang tinubos ng PANGINOON"; at ikaw ay tatawaging "Hinanap, Lunsod na hindi pinabayaan."