Isaiah 17
1 Isang pahayag tungkol sa Damasco. Narito, ang Damasco ay hindi na magiging lunsod, at magiging isang buntong sira.
2 Ang mga lunsod ng Aroer ay napapabayaan; iyon ay magiging para sa mga kawan, na hihiga, at walang mananakit sa kanila.
3 Ang kuta ay mawawala sa Efraim, at ang kaharian sa Damasco; at ang nalabi sa Siria ay magiging gaya ng kaluwalhatian ng mga anak ni Israel, sabi ng PANGINOON ng mga hukbo.
4 Sa araw na iyon, ang kaluwalhatian ng Jacob ay ibababa, at ang katabaan ng kanyang laman ay mangangayayat.
5 At ito'y maging gaya nang kapag tinitipon ng mang-aani ang nakatayong trigo, at ginagapas ng kanyang kamay ang mga uhay; oo, magiging gaya ng pamumulot ng mga uhay sa Libis ng Refaim.
6 Gayunma'y maiiwan doon ang mga pinulot, gaya ng kapag niyugyog ang puno ng olibo — na dalawa o tatlong bunga ay naiiwan sa dulo ng kataas-taasang sanga, apat o lima sa mga sanga ng mabungang punungkahoy, sabi ng PANGINOONG Diyos ng Israel.
7 Sa araw na iyon ay pahahalagahan ng mga tao ang Maylalang sa kanila, ang kanilang mga mata ay titingin sa Banal ng Israel.
8 Hindi nila pahahalagahan ang mga dambana, na gawa ng kanilang mga kamay, at hindi sila titingin sa ginawa ng kanilang mga daliri, maging sa mga sagradong poste, o sa mga altar ng insenso.
9 Sa araw na iyon, ang kanilang matitibay na lunsod ay magiging gaya ng mga dakong pinabayaan sa gubat, at sa taluktok ng bundok, na pinabayaan dahil sa mga anak ni Israel; at magiging wasak.
10 Sapagkat kinalimutan mo ang Diyos ng iyong kaligtasan, at hindi mo inalala ang Malaking Bato ng iyong kanlungan. Kaya't bagaman nagtatanim ka ng mabubuting pananim, at naglagay ka ng ibang sangang pananim.
11 Bagaman sa araw ng iyong pagtatanim ay iyong inalagaan, at pinamumulaklak mo ang mga iyon sa kinaumagahan, gayunma'y mawawala ang ani sa araw ng kalungkutan at walang lunas na hapdi.
12 Ah, ang ingay ng maraming bansa, na umuugong na gaya ng ugong ng mga dagat; Ah, ang ingay ng mga bansa, na nagsisiugong na parang ugong ng bugso ng malakas na mga tubig!
13 Ang mga bansa ay umuugong na parang agos ng maraming tubig, ngunit sila'y sasawayin niya, at sila'y magsisitakas sa malayo, at papaspasin na gaya ng ipa sa mga bundok sa harap ng hangin, at gaya ng ipu-ipong alabok sa harap ng bagyo.
14 Sa gabi, ay narito ang nakakatakot! At bago dumating ang umaga, ay wala na sila! Ito ang bahagi nila na nagsisisamsam sa atin, at ang kapalaran nila na nagnakaw sa atin.