Hosea 6
1 "Halikayo at tayo'y manumbalik sa PANGINOON; sapagkat siya ang lumapa, ngunit pagagalingin niya tayo; sinugatan niya tayo ngunit tayo'y kanyang bebendahan.
2 Pagkatapos ng dalawang araw ay muli niya tayong bubuhayin; sa ikatlong araw ay ibabangon niya tayo, upang tayo'y mabuhay sa harap niya.
3 At ating kilalanin, tayo'y magpatuloy upang makilala ang PANGINOON; ang kanyang paglabas ay kasintiyak ng bukang-liwayway; at siya'y paparito sa atin na parang ulan, tulad ng ulan sa tagsibol na dumidilig sa lupa."
4 Anong gagawin ko sa iyo, O Efraim? Anong gagawin ko sa iyo, O Juda? Ang inyong katapatan ay parang ulap sa umaga, at parang hamog na maagang umaalis.
5 Kaya't sila'y aking pinutol sa pamamagitan ng mga propeta; pinatay ko sila ng mga salita ng aking bibig; at ang aking mga kahatulan ay lumalabas na parang liwanag.
6 Sapagkat nalulugod ako sa katapatan, kaysa alay, ng pagkakilala sa Diyos kaysa mga handog na sinusunog.
7 Ngunit gaya ni Adan ay sumuway sila sa tipan; doo'y nagsigawa silang may kataksilan sa akin.
8 Ang Gilead ay lunsod ng mga gumagawa ng kasamaan; tigmak ng dugo.
9 Kung paanong ang mga tulisan ay nag-aabang sa isang tao, gayon nagsasama-sama ang mga pari; sila'y pumapatay sa daan patungong Shekem. Sila'y gumagawa ng kasamaan.
10 Sa sambahayan ni Israel ay nakakita ako ng kakilakilabot na bagay; ang pagiging bayarang babae ng Efraim ay naroroon, ang Israel ay dinudungisan ang sarili.
11 Sa iyo rin, O Juda, ay may nakatakdang pag-aani, kapag ibabalik ko na ang mga kayamanan sa aking bayan.