Acts 7
1 Sinabi ng pinakapunong pari, "Totoo ba ang mga bagay na ito?"
2 At sumagot si Esteban, "Mga ginoo, mga kapatid, at mga magulang, makinig kayo. Ang Diyos ng kaluwalhatian ay nagpakita kay Abraham na ating ama noong siya'y nasa Mesopotamia, bago siya nanirahan sa Haran.
3 Sinabi sa kanya, 'Iwan mo ang iyong lupain at ang iyong mga kamag-anak at pumunta ka sa lupaing ipapakita ko sa iyo.'
4 Nang magkagayo'y umalis siya sa lupain ng mga Caldeo at nanirahan sa Haran. At mula roon, pagkamatay ng kanyang ama, ay inilipat siya ng Diyos sa lupain na inyong tinitirhan ngayon.
5 Hindi siya binigyan ng anuman doon bilang mana, kahit man lamang isang hakbang na lupa. Subalit ipinangakong ibibigay iyon sa kanya bilang ari-arian niya at sa kanyang mga anak ng na susunod sa kanya bagaman wala pa siyang anak.
6 Ganito ang sinabi ng Diyos, na ang kanyang binhi ay maninirahan sa lupain ng iba, at sila'y magiging alipin nila at aapihin nang apatnaraang taon.
7 At ang bansang aalipin sa kanila ay aking hahatulan,' sabi ng Diyos. 'Pagkatapos ng mga bagay na ito ay lalabas sila at sasambahin nila ako sa dakong ito.'
8 Pagkatapos ay ibinigay niya sa kanya ang tipan ng pagtutuli. Kaya't si Abraham ay naging ama ni Isaac, at ito'y tinuli nang ikawalong araw; at si Isaac ay naging ama ni Jacob, at si Jacob ng labindalawang patriyarka.
9 "Ang mga patriyarka, dahil sa inggit kay Jose ay ipinagbili siya sa Ehipto, ngunit ang Diyos ay kasama niya.
10 Siya'y iniligtas sa lahat ng kanyang kapighatian, at binigyan siya ng biyaya at karunungan sa harapan ng Faraon na hari ng Ehipto; at kanyang pinili siya upang mamahala sa Ehipto at sa buong bahay niya.
11 Dumating noon ang taggutom sa buong Ehipto at sa Canaan, at nagkaroon ng malaking kahirapan, at walang matagpuang pagkain ang ating mga ninuno.
12 Ngunit nang mabalitaan ni Jacob na may trigo sa Ehipto, sinugo niyang una ang ating mga ninuno.
13 At sa ikalawang pagdalaw ay nagpakilala si Jose sa kanyang mga kapatid at nakilala ng Faraon ang pamilya ni Jose.
14 Pagkatapos ay nagsugo si Jose, inanyayahan niya si Jacob na kanyang ama, at ang lahat niyang kamag-anak na pitumpu't limang katao.
15 Kaya't nagtungo si Jacob sa Ehipto. Doon ay namatay siya at ang ating mga ninuno.
16 Sila'y ibinalik sa Shekem at inilagay sa libingang binili ni Abraham sa halaga ng pilak mula sa mga anak ni Hamor sa Shekem.
17 "Ngunit nang nalalapit na ang panahong ipinangako ng Diyos kay Abraham, ang ating sambayanan ay lumago at dumami sa Ehipto,
18 hanggang sa lumitaw ang isang hari sa Ehipto na hindi nakakakilala kay Jose.
19 Pinagsamantalahan nito ang ating bansa at pinilit ang ating mga ninuno na itapon ang kanilang mga sanggol upang mamatay ang mga iyon.
20 Nang panahong ito, si Moises ay ipinanganak at siya'y kasiya-siya sa Diyos. Siya'y inalagaan ng tatlong buwan sa bahay ng kanyang ama.
21 Nang siya'y itapon, inampon siya ng anak na babae ng Faraon, at siya'y inalagaang gaya ng sariling anak niya.
22 Tinuruan si Moises sa lahat ng karunungan ng mga Ehipcio, at siya ay makapangyarihan sa kanyang mga salita at mga gawa.
23 "Nang siya'y apatnapung taong gulang na, naisipan niyang dalawin ang kanyang mga kapatid, na mga anak ni Israel.
24 Nang makita niya na ang isa sa kanila ay pinahihirapan, kanyang ipinagtanggol at ipinaghiganti ang inaapi sa pamamagitan ng pagpatay sa Ehipcio.
25 Noon ay inisip niya na naunawaan ng kanyang mga kababayan na ibinigay ng Diyos sa kanila ang kaligtasan sa pamamagitan niya, ngunit hindi nila naunawaan.
26 Nang sumunod na araw, lumapit siya sa kanila samantalang sila'y nag-aaway, at ibig sana niyang sila'y pagkasunduin, na sinasabi, 'Mga ginoo, kayo'y magkapatid; bakit kayo nag-aaway?'
27 Ngunit itinulak siya ng nanakit sa kanyang kapwa, na sinasabi, 'Sino ang naglagay sa iyo na pinuno at hukom sa amin?
28 Ibig mo ba akong patayin, gaya ng pagpatay mo kahapon sa Ehipcio?'
29 Nang marinig niya ito, tumakas si Moises at naging dayuhan sa lupain ng Midian, kung saan siya'y naging ama ng dalawang lalaki.
30 "Nang lumipas ang apatnapung taon, nagpakita sa kanya ang isang anghel sa ilang ng bundok ng Sinai, sa ningas ng apoy sa isang mababang punungkahoy.
31 Nang makita ito ni Moises, namangha siya sa tanawin; at sa kanyang paglapit upang tingnan ay dumating ang tinig ng Panginoon:
32 'Ako ang Diyos ng iyong mga ninuno, ang Diyos ni Abraham, at ni Isaac, at ni Jacob.' Nanginig si Moises at hindi nangahas tumingin.
33 At sinabisa kanyang Panginoon, 'Alisin mo ang mga sandalyas sa iyong mga paa sapagkat ang dakong kinatatayuan mo ay lupang banal.
34 Totoong nakita ko ang kaapihan ng aking bayang nasa Ehipto, at narinig ko ang kanilang daing, at ako'y bumaba upang sila'y iligtas. Ngayo'y lumapit ka, susuguin kita sa Ehipto.'
35 "Ang Moises na ito na kanilang itinakuwil, na sinasabi, 'Sino ang sa iyo'y naglagay na pinuno at hukom?' ang siyang sinugo ng Diyos na maging pinuno at tagapagligtas sa pamamagitan ng anghel na sa kanya'y nagpakita sa mababang punungkahoy.
36 Sila'y pinangunahan ng taong ito nang siya'y gumawa ng mga kababalaghan at mga tanda sa Ehipto, at sa Dagat na Pula, at sa ilang sa loob ng apatnapung taon.
37 Ito ang Moises, na nagsabi sa mga anak ni Israel, 'Pipili para sa inyo ang Diyos ng isang propeta mula sa inyong mga kapatid, gaya ng pagpili niya sa akin.'
38 Ito'y yaong naroon sa kapulungan sa ilang na kasama ang anghel na nagsalita sa kanya sa Bundok ng Sinai, at kasama ang ating mga ninuno. Tumanggap siya ng mga buhay na aral upang ibigay sa atin.
39 Ayaw sumunod sa kanya ng ating mga ninuno, kundi siya'y kanilang itinakuwil, at sa kanilang mga puso'y bumalik sila sa Ehipto,
40 na sinasabi kay Aaron, 'Igawa mo kami ng mga diyos na mangunguna sa amin; sapagkat tungkol dito kay Moises na naglabas sa amin sa lupain ng Ehipto, ay hindi namin nalalaman kung ano ang nangyari sa kanya.'
41 Gumawa sila nang mga araw na iyon ng isang guya, at naghandog ng alay sa diyus-diyosan at nagsaya sa mga gawa ng kanilang mga kamay.
42 Ngunit iniwan sila ng Diyos; at sila'y pinabayaang sumamba sa hukbo ng langit, gaya ng nasusulat sa aklat ng mga propeta: 'Inalayan ba ninyo ako ng mga hayop na pinatay at mga handog, na apatnapung taon sa ilang, O angkan ni Israel?
43 Dinala ninyo ang tabernakulo ni Moloc, at ang bituin ng diyos ninyong si Refan, ang mga larawang ginawa ninyo upang inyong sambahin; at itatapon ko kayo sa dako pa roon ng Babilonia.'
44 "Nasa ating mga ninuno sa ilang ang tabemakulo ng patotoo, ayon sa itinakda ng nagsalita kay Moises, na kanyang gawin alinsunod sa anyo na kanyang nakita.
45 Dinala rin ito ng ating mga ninuno na kasama ni Josue nang kanilang sakupin ang mga bansa na pinalayas ng Diyos sa harapan ng ating mga ninuno. Ito ay nanatili roon hanggang sa mga araw ni David,
46 na nakatagpo ng biyaya sa paningin ng Diyos, at huminging makatagpo ng isang tahanang ukol sa Diyos ni Jacob.
47 Subalit si Solomon ang nagtayo ng bahay para sa kanya.
48 Gayunma'y ang Kataas-taasan ay hindi naninirahan sa mga bahay na gawa ng mga kamay; gaya ng sinasabi ng propeta,
49 'Ang langit ang aking luklukan, at ang lupa ang tuntungan ng aking mga paa. Anong uri ng bahay ang itatayo ninyo para sa akin? sabi ng Panginoon, o anong dako ang aking pahingahan?
50 Hindi ba ang aking kamay ang gumawa ng lahat ng mga bagay na ito?'
51 "Kayong matitigas ang ulo at hindi tuli ang puso't mga tainga, kayo'y laging sumasalungat sa Espiritu Santo. Kung ano ang ginawa ng inyong mga ninuno, ay gayundin ang ginagawa ninyo.
52 Alin sa mga propeta ang hindi inusig ng inyong mga ninuno? Kanilang pinatay ang mga nagpahayag noong una tungkol sa pagdating ng Matuwid, at ngayon kayo'y naging kanyang mga tagapagkanulo at mamamatay-tao.
53 Kayo ang tumanggap ng kautusan ayon sa pangangasiwa ng mga anghel, at hindi ninyo ito tinupad."
54 Nang marinig nila ang mga bagay na ito, sila ay nagalit at nagngalit ang kanilang mga ngipin laban kay Esteban."
55 Ngunit siya, palibhasa'y puspos ng Espiritu Santo, ay tumitig sa langit at nakita niya ang kaluwalhatian ng Diyos, at si Jesus na nakatayo sa kanan ng Diyos.
56 Sinabi niya, "Tingnan ninyo, nakikita kong bukas ang mga langit at ang Anak ng Tao na nakatindig sa kanan ng Diyos."
57 Subalit sila'y nagtakip ng kanilang mga tainga at sumigaw nang malakas at sama-samang sinugod siya.
58 Siya'y kanilang kinaladkad sa labas ng lunsod at pinagbabato; at inilagay ng mga saksi ang kanilang mga damit sa paanan ng isang binata na ang pangalan ay Saulo.
59 Habang binabato nila si Esteban ay nananalangin siya, "Panginoong Jesus, tanggapin mo ang aking espiritu."
60 Siya'y lumuhod at sumigaw ng malakas, "Panginoon, huwag mo silang papanagutin sa kasalanang ito." At pagkasabi niya nito ay namatay siya.