Amos 1
1 Ang mga salita ni Amos, na nasa gitna ng mga pastor sa Tecoa, na nakita niya tungkol sa Israel, nang mga kaarawan ni Uzzia na hari sa Juda, at nang mga kaarawan ni Jeroboam na anak ni Joas na hari sa Israel, na dalawang taon bago lumindol.
2 At kaniyang sinabi, Ang Panginoon ay aangal mula sa Sion, at sisigaw ng kaniyang tinig mula sa Jerusalem; at ang mga pastulan ng mga pastor ay mananambitan, at ang taluktok ng Carmelo ay matutuyo.
3 Ganito ang sabi ng Panginoon: Dahil sa tatlong pagsalangsang ng Damasco, oo, dahil sa apat, hindi ko ihihiwalay ang kaparusahan sa kaniya; sapagkat kanilang giniik ang Galaad ng panggiik na bakal.
4 Ngunit aking susuguin ang isang apoy sa loob ng bahay ni Hazael, at susupukin niyaon ang mga palacio ni Ben-hadad.
5 At aking iwawasak ang halang ng Damasco, at aking ihihiwalay ang mananahan mula sa libis ng Aven, at siyang humahawak ng cetro mula sa bahay ng Eden; at ang bayan ng Siria ay papasok sa pagkabihag hanggang sa Chir, sabi ng Panginoon.
6 Ganito ang sabi ng Panginoon: Dahil sa tatlong pagsalangsang ng Gaza, oo, dahil sa apat, hindi ko ihihiwalay ang kaparusahan sa kaniya; sapagkat kanilang dinalang bihag ang buong bayan, upang ibigay sa Edom.
7 Ngunit akoy magsusugo ng isang apoy sa kuta ng Gaza, at susupukin niyaon ang mga palacio niyaon:
8 At aking ihihiwalay ang mananahan mula sa Asdod, at siyang humahawak ng cetro mula sa Ascalon; at aking ipipihit ang aking kamay laban sa Ecron, at ang nalabi sa mga Filisteo ay malilipol, sabi ng Panginoong Dios.
9 Ganito ang sabi ng Panginoon: Dahil sa tatlong pagsalangsang ng Tiro, oo, dahil sa apat, hindi ko ihihiwalay ang kaparusahan sa kaniya; sapagkat kanilang ibinigay ang buong bayan sa Edom, at hindi inalaala ang tipan ng pagkakapatiran.
10 Ngunit akoy magsusugo ng isang apoy sa kuta ng Tiro, at susupukin niyaon ang mga palacio niyaon.
11 Ganito ang sabi ng Panginoon: Dahil sa tatlong pagsalangsang ng Edom, oo, dahil sa apat, hindi ko ihihiwalay ang kaparusahan sa kaniya; sapagkat hinabol niya ng tabak ang kaniyang kapatid, at ipinagkait ang buong habag, at ang kaniyang galit ay laging nanglilipol, at taglay niya ang kaniyang poot magpakailan man.
12 Ngunit magsusugo ako ng isang apoy sa Teman, at susupukin niyaon ang mga palacio sa Bozra.
13 Ganito ang sabi ng Panginoon: Dahil sa tatlong pagsalangsang ng mga anak ni Ammon, oo, dahil sa apat, hindi ko ihihiwalay ang kaparusahan sa kanila; sapagkat kanilang pinaluwa ang bituka ng mga babaing nagdadalang tao sa Galaad, upang kanilang mapalapad ang kanilang hangganan.
14 Ngunit aking papagniningasin ang isang apoy sa kuta ng Rabba, at susupukin niyaon ang mga palacio niyaon, na may hiyawan sa kaarawan ng pagbabaka, na may bagyo sa kaarawan ng ipoipo;
15 At ang kanilang hari ay papasok sa pagkabihag, siya at ang kaniyang mga prinsipe na magkakasama, sabi ng Panginoon.